Pages

Tuesday, August 28, 2012

Mga Ala-ala ng Pagmulat


Paunang Salita

Sa loob ng mahabang panahon, ninais kong isulat at ilathala ang mag salitang ito upang magbigay pugay sa aking ina. Ngunit sa kadahilanang hindi ko maiwasan, at sa mga pangitaing gumambala sa aking isipan, ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob upang maisakatuparan ang mithiing ito.

Lahat ng naisulat dito ay nagmula sa ala-ala; at lahat ng nabanggit ko tungkol sa aking ina ay dito lamang mababasa sa kanilang kabuuan na walang bahid na kasinungalingan at pagyayabang. Nais ko lamang ipaalam sa madla, na ang pakikipagtalastasan ko sa wikang Pilipino ay dulot ng aking hangaring mabasa ito ng sarili kong ina, bago man siya pumanaw mula sa mundong kanyang nakagisnan.

Kung mayroon mang nag-aakalang isinalin ko ito sa pamamagitan ng anumang pamamaraang electroniko, anumang aklat talatinginan, o mga sitio sa internet; ngayon pa lang, sinisiguro ko sa inyo na ito’y nagmula sa akin. Hinahamon ko ang aking mga tagapag-basa na tangkaing isalin ito sa pamamagitan ng nabanggit na mga pamamaraan. Kung mayroong mang pagkakamaling gramatikal ang aking isinulat, ako’y humihinghi paumanhin. Sadyang ngayon ko lang naisipang makipagsapalarang muli sa wikang Pilipino.

Isang buwan bago sumapit ang kaarawan ng aking ina, sumagi sa aking isipan ang isang ideya-- isang handog na maiibigan ng aking inang si Ligaya. Hindi dahil alam kong mahihirapan siya sa pag-intindi sa wikang Ingles; ngunit nais kong mabatid niya ang aking taos-pusong paghahandog ng mga salitang ito.

Kabanata Isa:
Mga Ala-ala ng Pagmulat

Mulá sa ala-ala ako’y magsisimula.

Tulad ng ibang musmos, lumaki akong nakikinig sa mga kwento ni Mamá. Bilang bunso, naging uhaw ang aking pag-iisip sa mga kwentong kakaiba. Mga kwentong sa pelikula lamang napapanood. Gayun pa man, kahit gaano pa ka matalinhaga ang mga tema ng kanyang mga kwento, natutunan kong bigyang halaga ang mga salitang binigkas sa wikang Pilipino na may bahid na punto at pamamaraan sa dialektong Tagalog.

Ako’y isinilang nuong dekada sitenta. Sa mga panahong ito, sa bayan ng Tangos, sa luoban ng isang palengke ako’y lumaki. Ngunit hindi sa lugar na iyon ako isinilang.

Sadyang ako’y isinilang na may kutsarang pilak sa aking bibig.

Dahil sa isang pamahiin, ninais ng aking ina na ako ay isilang sa isang magarang ospital sa Makati—hindi tulad ng aking mga kapatid na iniluwal sa pamamagitan ng isang kumadrona. 

Ayon sa pamahiin, ang isang sanggol na ipinaganak sa isang ospital ay lalaking may mataas na pangarap at ambisyon.

Sa panahong yaon, sa isang bayang tulad ng Navotas, na kung saan ang lahat ng mga pamamaraan ay maka-luma, bihira ang nakaka-alpas sa tradisyon—at hindi iba ang aking ina. Batid niya ang kahalagahan ng edukasyon at estado sa buhay. Kaya nga’t ninais niyang mabigyan ng katuturan ang pagluwal sa akin sa isang mamamahaling establisyamento tulad ng Makati Medical Center.

Masasabing lumaki ako sa layaw, hindi dahil natutunan kong maging isang laki sa layaw; ngunit dahil na rin marahil sa paraang pagpapalaki ng aking lolo na si Victor.

Susundan...
Kwento ni Mama, 

No comments: